“Balangay: Ang Seremonya ng Pagwawakas”, programang handog sa pagtatapos ng UP Diliman Month 2017

Print pagePDF pageEmail page


Video by Jun Madrid, UPSIO.

Ang isang buwang pagdiriwang ng UP Diliman Month 2017 o Buwan ng UP Diliman ay ginabayan ng temang “Salaysayan: K’wentong Bayan, Kaalamang Bayan.”

Sa pagbubukas nito, nagkaroon ng mga kulturang pagtatanghal na nagpamalas ng mga k’wentong hinggil sa paglikha ng mundo. Kasabay nito ang pagpapasinaya ng “Sansinukob,” isang interactive-installation na eksibit tampok ang pitong (7) katangi-tanging obra ng mga bantog na manlilikha ng kasalukuyang panahon na sumisimbulo sa mga dakilang tapat lng sansinukob mula sa pananaw ng mga etnolingguwistikong grupo sa Pilipinas.

Kasama sa serye ng mga aktibidad ay ang muling pagpapakinig sa musika ni Pambansang Alagad ng Sining Jose Maceda sa pamamagitan ng Pagsamba na itinanghal sa Parish of the Holy Sacrifice.

Nagkaroon din ng mga palabas pampelikula tulad ng “Ang Panggagahasa kay Fe, Ploning, K’na the Dreamweaver, Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, Hinulid, at Tuos; at dulaang “Faust” ni Goethe, “Sita & Rama: Papet Ramayana. Nagkaroon din ng mga pagtatanghal ang mga kilalang musikero na sina Noel Cabangon at Bayang Barrios sa Himigsikan.

At sa pagtatapos, tampok ang isang programang nagpakita ng mga bantog na pagtatanghal mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Nagbukas ang programang handog sa pagtatapos ng UP Diliman Month 2017 sa isang prologo ni G. Roger Federico ng rehiyon ng Cordillera at sa pagtugtog ni Prop. Solaiman Jamisolamin ng UP College of Music.

Sunod na tinanghal ang “Pangalay” na ang kahulugan ay regalo o alay, ay isang estilo ng sayaw na tinaguriang “temple dance” na tumutukoy sa panahon ng pag-iral ng Kristiyanismo at Islam sa bansa. Sinasabi rin na ang sayaw na ito ang may pinakamayamang bokabularyo sa paggamit ng mga galaw ng katawan.

Ang “Amburukay” naman ay nilahad ni UP Visayas Professor Emeritus Alicia Magos at sinaliwan ng sayaw ni Bb. Kris-belle Paclibar-Mamagun. Samantala, ipinakilala naman ni Prop. Macrina Morados, Dekana ng Linangan ng Araling Islam ang iba’t ibang mayamang k’wentong bayan ng Mindanao.

Isa namang espesyal na pagtatanghal hinggil sa mga k’wentong bayan sa Mindanao, partikular ang pakikipagsapalaran ni Pilandok, ang hinandog ng bantog na Sining Kambayoka Ensemble ng Mindanao State University – Marawi City.

Para naman sa epilogo na pinamagatang Tayog ng Haraya ay binuo naman ng mga presentasyon ng mga sumusunod: UP Concert Chorus, UP Dance Company, UP Kontra Gapi, UP Repertory Company, UP Singing Ambassadors, UP Streetdance Club, at UP Symphonic Band.

“Inaasahan ko ang mas mahigpit na ugnayan ng Unibersidad at ng Mindanao State University para sa ibayong pagpapaunlad ng mga pangkulturang proyekto,” aniya ni Tsanselor Michael L. Tan.

“Umaasa tayong magsisilbing tulay ang ating mga salaysay sa pagitan ng bawat kababayang nahiwalay sa kaniyang kapwa, at sa pagitan na rin ng mga henerasyon—mga makulay at matibay na tulay na madadaluyan ng mga damdamin at kaisipang magpapayaman sa ating pag-unawa at pagtanggap ng ating pagka-Pilipino,” ayon sa Pangulo ng Unibersidad Danilo L. Concepcion.

FacebookTwitterGoogle+