Sapantaha
ni Roland Tolentino


 

Aral sa Intelektwal sa Post-Erap Era

 

Matapos ng panahong pagkapit-tuko, nag-resign na rin si Erap. May undertone ang naging uri ng pagkilos ng mga tao sa unibersidad. Sa UP, bilang isang sentro ng produksyon ng kaalaman, naging emosyonal ang debate sa partisipasyon ng intelektwal sa naging administrasyon ni Erap.

 

May dalawang uri ng papel ang ginampanan ng mga intelektwal. Una, bilang direktang kalahok sa administrasyon ni Erap, marami sa sinasabing matitinding utak ng unibersidad ang nagpahiram ng kanilang expertise sa pangangasiwa ng mga sangay ng affairs ng bansa. Sa kalaunan, ang expertise ay naging isyu ng credentials. Sa pag-igting ng politikal at ekonomiyang krisis, naging mistulang deodorant ang mga taga-UP sa bumabahong administrasyon ni Erap. Hanggang sa huling sandali, tulad ni Erap, nakakapit-tuko rin sila sa poder ng pambansang kapangyarihan. Hindi ba't ipinangalandakan ni Erap ang credentials ng kanyang mga administrador bilang "taga-UP" na tila walang pagkakamaling maaring maganap sa pangangasiwa sa krisis?

 

Hindi nga ba't kumakandidato pa lamang si Erap ay marami sa unibersidad ang umasa ng mas malawakang pagbabagong kanyang sinisimbolo at ipinapangako? Marami pa nga sa taga-UP ang naging bahagi ng think-tank ni Erap na nagplantsa ng kanyang plata-porma, kampanya at tagumpay sa pagkapangulo.

 

Ang ikalawang uri ng intelektwal ay mas nakasandig sa naging kasaysayang itinaga sa bato ng First Quarter Storm (FQS). At ito ang pagiging kritikal na commentator at aktor sa pambansang kalagayan. Matapos ang FQS, naging konkreto ang papel ng pamantasan sa bansa, ang ugnay nito sa lipunan at kasaysayan. Ang legacy ng FQS ay literal nating natutunghayan sa pagiging bahagi ng estado ng bansa at pamantasan ng mga figurang naging bahagi nito. Silang mga beterano ng FQS ang siyang namamahala ng ating kasalukuyang estado.

 

Sa isang banda, patunay ang natamong resulta ng kaganapan, may basbas man ng administrasyon o wala, sa substansyal na papel ng intelektwal sa pagbabago. Kumilos pa rin ang komunidad ng unibersidad. At sa dalawang pagkakataon ng maikling malawakang pagtitipon sa EDSA Shrine, ang UP ang may pinakamalaking dalang contingent. Nalingat man o hindi ang mga namamahala ng ating affairs, mayroon nang paggagap ang iba't ibang progresibong indibidwal at sektor sa ikalawang uri ng intelektwal.

 

At ito ang aking tahimik na kasiyahan sa pananatili sa unibersidad, pero hindi lubos. Sa huli naman kasi, ang estado ng kapangyarihan ay hindi naman talaga ibibigay ang todong suporta sa pagtutol sa iba pang aparato ng mas malawakang pambansang estado. Pero nagtaya rin ng kanilang interes sa bansa ang administrasyon ng iba pang malalaking pamantasan, tulad ng UST, St. Scholastica's College, Miriam, Ateneo at De La Salle University.

 

Naalaala ko noong gabi ng botohan ng mga senador hinggil sa pagbubukas ng ikalawang envelop. Naka-lock ang mga estudyante sa Camia at Sampaguita dorms. Nag-aantay makakuha ng basbas ang mga estudyante para makasama sa noise barrage at pagkilos sa EDSA. Hindi matukoy ang dapat magbigay ng permiso. Gaya nga ng sabi ni Professor Judy Taguiwalo, kasama ko noong gabi, bakit aantayin ang basbas? Hindi naman ito kusang ipagkakaloob. Ang karapatang magpahayag ay ipinaglalaban ng mismong indibidwal at mga sektor na direktang apektado ng sitwasyon.

 

Sa kabilang banda, hindi lang ang impetus ng legacy ng aktibismo ang siyang magbubunsod ng kolektibong pagkilos at panindigan. Ang patuloy na pagtatasa ng kritikal na pagsusuri ang magdudulot ng progresibong transformasyon ng institusyong pang-edukasyon. Hindi lamang dahil sa ang lahat na ay naapektuhan kaya kumilos ang mga institusyon. Kumilos ang iba pang pamantasan, batay sa katolikong morals, dahil nararapat, dahil ito ang wastong kahilingan ng kondisyon.

 

Tayo naman sa UP ay hindi lubos na nagabayan ng ganitong morals. Ang ating sekular na pandaigdigang pananaw ang nagdulot ng sabayang pagkimi at pagkilos. Ang ating pananaw ay nakasandal sa pananatili ng ugnay sa masang mamamayan para sa bahagiang transformasyon ng ating lipunan.

 

Lalo pa't ang diskurso ng pagkapit-tuko ni Erap ay ang pagkahalal at suporta sa kanya ng masa, ang ating pananalig sa kontraryong uri ng masang mamamayan ay tumitiyak sa isang antas ng kawastuhan at kaangkupan ng ating binubuong panindigan at pagkilos. Nahuli tayong nanindigan sa University Council. Gayunpaman, nang manawagan ng paglahok sa pagkilos kinabukasan, mabibilang lamang sa darili ang sumama sa kilos-protesta.

 

Dito naman pumapasok ang mahalagang papel ng hanay ng estudyante at empleyado. Ang kanilang sustenido't abanteng pakikilahok ang nagpapaalaala sa atin ng ating kakulangan, ang ating nagiging omisyon sa kahilingan ng kasaysayan. Sa huli, sinasalo natin ang isa't isa, nagbibigay-komplementaryo tayo sa kahinaan at kalakasan ng kapwa.

 

At ito ang aral na patuloy na ipinapaalaala sa ating mga intelektwal sa unibersiad, matapos ng mga dakilang kaganapan at mga dakilang tao-na ito ay hindi lang kwento ng mga gayon. Ang EDSA II ay naganap dahil sa aktibong partisipasyon ng masang mamamayang may kritikal na antas ng kamulatan. Tayo sa unibersidad ay hindi lamang intelektwal, tayo ay masang mamamayan din.

 

Hindi tulad ng eleksyon, ang pagbabagong may direktang interbensyon ng mamamayan ay hindi nangangailangan ng popular na boto at bilang. Nangangailangan ito ng kamulatang makabayan at kapasidad na kumilos. Gaya nga ng tagumpay at warning ng pagka-encrypt ng kaganapan sa kasaysayan-EDSA II o People Power II-nagbabadya na ang masang mamamayan ng patuloy na militancy at ang kakanyahang muling magbigay ng kolektibong pagkilos at paghuhusga kung ang hinaharap ay hindi magdudulot ng mas malawakang pagbabago at pagbuti ng ating pambansang kalagayan.

main | home

University of the Philippines System, Diliman, Quezon City, Philippines
Trunklines: (+632) 9205301 to 35
Netknitting by byugo, webweaving by Leo. Copyright 2000 UP System Information Office
Comments and Feedback