|
|
![]() |
|||||
*** |
Apat
na araw sa lansangan: mga tala ng isang estudyante Myerkules, 17 Enero 2001 - Sa loob lamang ng isang araw ay nakapagpalabas tayo ng mahigit sa 3,000 myembro ng komunidad ng UP upang tumungo sa EDSA at igiit ang madaliang pagpapatalsik kay Erap. Ilang oras matapos ang walk-out ng mga public prosecutors sa Senate ay madaling nagpunta ang USC at ang Estrada Resign Youth Movement sa mga dorms upang hikayatin ang mga estudyante na lumabas ng campus at sumama sa indignation rally sa EDSA. Tinatantyang 800-1000 na dormers mula sa Molave, Yakal, Narra, Kamia ang lumabas sa kanilang mga kuwarto at kahit ala-una na ng madaling araw ay nagmartsa mula UP papuntang Ortigas (dalawang oras nagmartsa) upang ipakita lamang ang galit sa nangyari sa impeachment trial. Marami ang tumakas sa dorms kahit ipinagbawal ng dorm heads ang paglabas. Pagdating sa EDSA Shrine, sinalubong ang delegasyon ng UP ng iba't ibang grupo na tumugon sa panawagan ni Cardinal Sin na magdasal para sa demokrasya. Kaninang umaga naman, may 2,000 estudyante, guro at kawani ng UP ang sumama sa rali (kahit Myerkules at kakaunti lamang ang mga klase) at nakibahagi sa people power hanggang mapatalsik si Erap. Spontanyo ang pagkilos na ginawa kanina dahil sa Enero 26 pa ang inaasahan nating people's strike. Pinakamalaking delegasyon ang nagmula sa College of Law (na may balitang magboboykot daw ang buong kolehiyo ng kanilang klase hanggang sa Sabado), Masscom, CSSP at Science. UP pa rin ang may pinakamalaking bilang ng dumalo sa mga eskuwelahang lumahok sa rali. Nakapaskil din sa isang fly-over ang banner ng UP CURE na nagsasabing "We say Guilty!" Inaasahan na lalo pang lalaki ang bilang ng mga estuyanteng sasama sa rali. Bukas, sama-sama tayong bumalik sa EDSA. Mag-imbita pa tayo ng ating mga kaibigan. Tuluy-tuloy na ito. Wala nang atrasan. Walk-out ng mga klase. Gabi-gabi ay vigil. Palagiang maglalabas ang konseho ng mga updates sa mga nangyayari. Ngayong tapos na ang sarswela sa Senado, simula na ang labanan sa lansangan. Dahil bago pa man magsimula ang trial noong Dis. 7, malinaw na ang hatol ng sambayanan kay Erap: Guilty! kaya dapat nang pabagsakin. Na-onse tayo ng 11 Senador; tiyakin natin na nasa atin pa rin ang tagumpay sa huli. Huwebes, 18 Enero 2001 - Totoong palaki ang bilang ng mga estudyante at fakulti ng UP na sumasama sa mga pagkilos na pawang nananawagan sa pagpapatalsik kay Estrada. Kung kahapon ay halos 3,000 ang ating napalabas ng kampus simula nung madaling araw, ngayon ay mahigit sa 5,000 myembro ng UP community ang tumungo sa EDSA at nakiisa sa mamamayang naninindigan laban kay Erap. Nagsimula ang walk-out sa mga kolehiyo bandang alas diyes ng umaga. Unang dumating sa Quezon Hall ang isang klase mula sa Eng'g, sumunod ang delegasyon mula sa CSWCD. Nagkulumpon muna si Sir Edru ng mga estudyante at nagbigay ng kaunting diskusyon tungkol sa isyu ngayon. Bandang alas-onse nang dumating ang mga estudyanteng galing sa maliliit na kolehiyo. Nagbigay ng pahayag si VP Endriga. Binasa ang bagong tula ni Prof. Joi Barrios. Alas-onse medya nang dumating na ang malaking bulto na galing sa CSSP, CAL, CBA, Econ, Eng'g at Science. Napuno ang harapan ng Quezon Hall. Sa mga oras na iyon, ramdam na ramdam ang diwa ng isang pagiging myembro ng isang nagkakaisang komunidad. Nagsalita rin si Pres. Nemenzo at nagbigay ng pagpupugay sa patuloy na pagkilos ng UP sa harap ng matinding krisis na kinakaharap natin ngayon. Sinundan ito ng mapanlabang pahayag ni Dean Manalili. Si Prof. Randy David ang nagtapos ng programa bago inawit ng buong madla ang UP Naming Mahal. Nilakad ng halos 4,000 estudyante ang ruta mula UP hanggang EDSA Shrine.
Missed Last Month's Forum? click the icon for the online version |
|||||
|
University
of the Philippines System, Diliman, Quezon City, Philippines
Trunklines: (+632) 9205301 to 35 Netknitting by byugo. Copyright 2000 UP System Information Office Comments and Feedback |