Bukal
ng lason sa Clark
ni Danilo Jaime Flores
CABCOM,
Clark Air Base Command Post. Dating command post ng base-militar ng
Amerika na tinayuan ng isang tent city para pansamantalang
tuluyan ng humigit-kumulang sa 20,000 Mt. Pinatubo evacuees mula sa
mga apektadong barangay sa Porac at Mabalacat. Sa loob ng halos sampung
taon, naging maliit na baryo ang CABCOM. Nagsisiksikan ang mga evacuees
sa mga dating bunker house ng mga militar. Sa kawalan ng pagkukunan
ng tubig para sa pang-araw-araw na pangangailangan sa pag-inom, pagligo,
paglilinis at paglalaba, naglagay ang gobyerno ng 30 deep well sa loob
ng tent city. Ang nag-iisang TV set sa multi-purpose hall ang tanging
libangan ng mga evacuees dito. Dahil sa naging tagpuan na ng buong komunidad
ang multi-purpose hall, dito rin nila nasasagap ang lahat ng balita
at impormasyon na kailangan nilang malaman.
Sa kawalan ng pagkukunan ng kabuhayan, nagtitiyaga ang
karamihan sa mga evacuees sa mga talbos at bunga ng kamote na itinatanim
nila sa kanilang paligid, bilang panawid-gutom sa maghapon. Sa isang
bakanteng lote sa loob din CABCOM, itinatambak nila ang kanilang mga
basura.
At sa loob din ng halos sampung taon na iyon, paunti-unting binabawasan
ang mga evacuees para dalhin sa permanente nilang resettlement site.
Pero, sa paunti-unting pagbabawas na iyon, mas maraming evacuees ang
dumarating kapalit ng mga inalis. Dalawa hanggang apat na taon ang itinatagal
ng Mt. Pinatubo evacuees sa CABCOM.
Sinamahan ako ni Winston, dating community organizer
ng Peoples Task Force for Bases Clean-up, sa isang resettlement
site kung saan dinala ang isang batch ng mga evacuees na natira sa CABCOM
sa loob ng halos apat na taon. Iyon ang Madapdap Resettlement Site.
Doon ko nakilala si Dinah, isang ina, biktima ng toxic waste contamination
sa CABCOM, at namatayan ng anak na sa pagsusuri ng mga eksperto, nagkaroon
ng sakit bunga ng kontaminasyon sa mga nakalalasong kemikal.
Ayon kay Winston, isa raw si Dinah sa mga maaasahang
lider ng mga biktima ng toxic waste contamination. Leukemia ang ikinamatay
ng anak niya, si Crysel, ang batang naging epitomiya ng mga batang biktima
ng toxic waste contamination sa dating base-militar ng mga Amerikano
sa bansa.
Habang ikinukwento sa akin ni Dinah ang punot dulo ng pagkamatay
ng kanyang anak na si Crysel, hindi niya napigilang maiyak. Mapait ang
alaala, lalo na nang sabihin sa kanya ng doktor na may taning na buhay
ng kaniyang anak.
Iniuugnay ng mga doktor ang pagkakaroon ng sakit na
leukemia ng kanyang anak sa pinanggalingan nilang lugar. Posibleng kontaminado
ng mga nakalalasong kemikal ang deep well sa loob ng CABCOM na pinagkukunan
nila ng tubig na pang-inom at pangluto. Inilarawan sa akin ni Dinah
kung gaano karumi ang tubig na lumalabas sa deep well. Kulay kalawang
ang tubig, madulas at amoy langis.
Noong una, ayaw niyang gumamit ng tubig na nagmumula
sa deep well, pero sabi nga ng mga kasama nilang evacuees sa CABCOM,
sanayan lang naman, kailangan lang pakulan ang tubig bago gamitin. Iyon
ang hindi matanggap ni Dinah, ang dahilan ng pagkakaroon ng sakit ng
kanyang anak, na naging dahilan naman ng maagang pagkawala nito. Sabi
pa nga niya, kung alam lang niya na ganoon ang mangyayari sa kanila,
hindi na sana sila sumama sa paglilikas. Sa dati nilang lugar, madali
silang makakaiwas sa lahar pag rumagasa ito. Tatabi lang sila, o kaya
naman, pupunta sa mas mataas at ligtas na lugar. Pero sa CABCOM, wala
silang kalaban-laban. Hindi nila alam at hindi nila nakikita ang bagay
na papatay sa kanila.
Taga-Porac sina Dinah, sa Manibaug. May maliit siyang
tindahan at may maliit na lupang sinasaka ang kanyang asawa. Nagwala
ang bulkang Pinatubo, nagsabog ng lahar. Inilikas sila, kasama ang mga
kaba-baryo at dinala sa inabandonang base-militar ng mga Amerikano,
sa gilid ng Clark. At doon na nagsimula ang lahat.
Sabi ni Winston, hindi maikakailang ang sakit ng mga
batang gaya ni Crysel ay sanhi ng kontaminasyon ng tubig-poso sa mga
nakalalasong basurang kemikal na ibinaon, iniwan at pinabayaan ng mga
Amerikano sa mga dating base-militar. Sa mga kasong nasarbey nila sa
Madapdap Resettlement Site, may anim na pamilyang magkakalayo ang tirahan,
pero nakararanas ang kanilang mga anak ng halos magkakaparehong sakit.
Kung uugatin ang lugar na tinirhan nila sa loob ng CABCOM, lumalabas
na dati silang magkakasama sa iisang lugar at isang komon na deep well
ang ginagamit nila. Ganoon din ang ibinigay niyang halimbawa para sa
iba pang bata na nakakaranas ng halos magkakaparehong sakit.
Nakakatakot isipin ang itsura ng ibat ibang sakit
na lumitaw sa mga biktima, gaya ng leukemia, mga sakit sa balat, cerebral
palsy, nervous breakdown, ibat ibang uri ng sakit sa puso, at
iba pa. Kapag tinanong ang mga magulang ng mga batang may sakit, ngayon
lang sila nakaranas ng ganoong klase ng sakit, simula nang matira sa
CABCOM. Wala sa lahi nila ang nakaranas ng mga sakit na iyon na karamihay
halos hindi nila maintindihan o mabigkas ng tama ang pangalan ng sakit.
Marami ring naitalang kaso sa pagbubuntis mga nanay
na natira sa loob ng CABCOM. May mga nalalaglagan ng bata sa sinapupunan,
at may mga nagsisilang ng patay na sanggol. Mayroon ding mga kaso ng
pagsisilang ng buhay na sanggol pero, makalipas ang ilang araw o linggo,
may kung anong klase ng sakit sa balat na lilitaw sa bata, tatamaan
ng ibat ibang klase ng sakit ang mahinang resistensya ng bata,
at kaagad ding babawian ng buhay.
Sa paglilibot ko sa Madapdap Resettlement Site, hindi
ko maipaliwanag sa sarili ko kung ano ang nararamdaman ko. Magkahalong
takot at awa ang sumasakal sa dibdib ko nang makita ko ang mga batang
parang lantang gulay, mga batang kinakain ng sugat ang balat, mga batang
hindi makapagsalita, at mga batang sa termino natin, mongoloid.
Sila ang mga batang isinilang nang may pisikal o mental na abnormalidad.
Himbing na himbing na ang gabi, pero hindi pa rin ako
makatulog. Naglalaro pa rin sa aking isip ang mga itsura ng mga batang
may sakit, at ang mga kwento ng mga nanay sa Madapdap Resettlement Site.
Naisip ko rin, kung kontaminado ng nakalalasong basurang kemikal ang
tubig sa ilalim ng lupa sa Clark, hindi malayong gumapang ang lason,
hindi lang sa buong Pampanga, kundi kahit hanggang sa norte, o hanggang
sa Metro Manila.
Saka ko maiisip na hanggat hindi nagagawan ng solusyon ang problema
ng toxic waste contamination sa mga dating base-militar ng mga Amerikano,
kahit akong taga-Maynila, wala ring ligtas sa lasong isinusuka ng mga
bukal sa Clark.