Editorial
KUNG
KARAPATAN ANG MABUHAY,
BAKIT MAY BITAY?
Ang
tao ay tao dahil may kakayahan siyang baguhin ang sarili at paligid
niya. Pero sa
death penalty, hindi kinikilala ng Estado ang esensya nito.
Noong Agosto 31, tatlumpung death convicts ang naghanda
nang humakbang patungo sa kanilang kamatayan. Pero pinigil ito ni Presidente
Arroyo. Pansamantala. Bilang regalo kay Cardinal Sin.
Noong 1987, ang Pilipinas ang unang bansa sa Asia na
nagtanggal sa parusang kamatayan. Marami ang natuwa dahil isa itong
halimbawa ng isang makabuluhang pagkilos sa pagpapanumbalik ng respeto
sa mga karapatang pantaong sinagkaan noon ng dating diktador na si Marcos.
Pero noong Disyembre 1993, sa gitna ng mainit na mga
pagtatalo, naging batas ang RA 7659, na nagbabalik sa death penalty.
Muli, sa makabagong panahon, ang Pilipinas na naman ang nanguna sa aksyong
ito. Ang dahilan: tumataas daw ang krimen sa bansa at kailangan ng isang
mabisang pampigil sa sitwasyong ito. Noong 1996, inaprubahan ang RA
8177, na nagtatakda sa lethal injection bilang metodo ng exekusyon.
At noong Pebrero 5, 1999, pinangunahan ni Leo Echegaray ang pila ng
mga kriminal na nasentensyahan at naghihintay na lamang ng kanilang
ganap na paglisan. Dahil sa pagbitay kay Echegaray, muling nasindihan
ang mga mitsa ng pagtatalo sa pagitan ng laban at kampi sa parusang
kamatayan. Nauna si Echegaray, marami pa ang susunod sa kanya.
Lagit lagi na mahalagang saliksikin o pag-usapan
ang mga komponent ng parusang kamatayan dahil maraming salik ang kakawing
nito. Una at pinakamahalaga ay ang isyu ng pagrespeto sa buhay. Pangalawa
ang esensya ng karapatang pantao at karapatan ng sinumang mabuhay. Sa
usapin ng buhay, ang dalawang nabanggit ang madalas na nasasagasaan.
Ngunit paano kung ang Estado mismo ang sumasagasa at
ang ginagamit nitong behikulo ay ang legal na proseso? Dito nagsisimula
ang pagtatalo.
Ayon sa mga nagtataguyod ng death penalty, mahusay daw
ito. Pero anim na taon pagkatapos ng reimposisyon ng parusang kamatayan,
mahigit sa 1200 katao ang nasentensyahan ng kamatayan at pito sa mga
ito ang binitay. Pero hanggang sa kasalukuyan, walang mga senyales na
bumaba/bumababa ang kriminalidad sa bansa. Mula 1994-95, tumaas bilang
ng mga nasa death row mula 12 hanggang 104. Noong 1995 hanggang 1996,
umabot ito sa 182. Noong 1997, umabot ang bilang sa 520 at 781 noong
1998. 956 noong Nobyembre 1999. Sa statistics ng Episcopal Commission
on Prisoner Welfare of the Catholic Bishops Conference of the Philippines,
may total na 936 convicts ang nasa NBP at 23 ang naka-detine sa Correctional
Institute for Women. Sa total ng bilang na ito, anim ang menor de edad
at 12 ang dayuhan. Ang bilang ay lolobo pa at aabot, lalampas sa isang
libo pagpasok naman ng 2000. Ano ang ipinahihiwatig ng ganitong datos?
Na ang mabilis na pagdami ng mga naparusahan ng kamatayan ay indikasyong
hindi mabisang pansugpo sa kriminalidad ang parusang kamatayan. Indikasyon
din ito na sinasayang ng Estado ang buhay ng maraming tao sa pamamagitan
ng isang batas na malaon nang isinantabi ng maraming bansa. Ang mga
argumento na nagtutulak sa death penalty bilang panlaban sa krimen,
proteksyon at seguridad sa mga mamamayan ay tila wala namang patutunguhan.
Katunayan hanggang sa ngayon, wala pa ring malinaw na pruwebang makapipigil
nga sa krimen ang death penalty kaysa ibang anyo ng pagparusa. Ang isang
isyung lumilitaw sa parusang ito ay ang institusyonalisadong pagpatay
sa mga kriminal, at nakalulungkot na ang Estado mismo ang gumagawa ng
mga pagpatay na ito. Binabangga nito ang isa sa mga prinsipyo ng Universal
Declaration of Human Rights na gumagabay rin sa mga pundasyon ng 1987
Constitution-na isa sa mga pundamental na karapatang pantao ang karapatan
sa buhay, at ang proseso ng pagpatay sa isang bilanggo ay ang pinakamataas
na anyo ng kalupitan, di makatao at nakapapababa ng loob.
Isa pa sa mga dahilan kung bakit marami ang tumututol
sa death penalty ay ang ilang kahinaan ng sistema ng hustisya sa bansa.
Kitang-kita ito sa isinagawang rebyu ng Korte Suprema mula 1995-1999,
na dalawa sa bawat tatlong hatol na kamatayan ng mga lokal na korte
ay may mga pagkakamali o hindi wasto ang dinaanang proseso. Karaniwang
sinasabi na ang mga batas sa Pilipinas ay kontra sa mga mahihirap at
ilan pang marhinalisadong sektor sa bansa. Sa kabilang banda, mukhang
may katotohanan ito. Kung titingnan ang mga rekord ng mga death convict,
karamihan sa kanilay mga magsasaka, manggagawa sa pabrika, construction
workers, drayber, at iba pang ordinaryong trabaho. Halos di rin sila
nakapag-aral at hindi nila maintindihan ang lengguwaheng ginagamit sa
korte. Kung gayon habang dinidinig ang kaso laban sa kanila, wala silang
pagkakataon na makakuha ng magagaling na abugadong magtatanggol sa kanila.
Kaya karamihan sa mga kaso, ang hatol ay laban sa kanilang inaasahan.
Sa kabilang banda, walang sinuman ang nahatulan ng mga kasong gaya ng
panunuhol, piracy o plunder. Ang isa pang nakapagtataka, wala ni isang
pampublikong opisyal ang nasentensyahan ng parusang kamatayan.
Isang maselang isyu ang death penalty. Maraming kumukwestyon
sa legalidad ng pagpatay sa isang tao kahit pa napatunayang siyay
nagkasala. Kung sinasabi at napagkakasunduang ang buhay ay isang karapatan,
bakit gumagawa tayo ng mga batas na nagiging sandata ng pang-uutas?
Hindi bat nakalampas na tayo sa panahon ng barbarismo, kung saan
ang esensya ng buhay at pamumuhay ay hindi nirerespeto? Bakit tila ang
hakbang natin ay paatras sa halip na pasulong? Nagiging mas sibilisado
tayo, pero sa larangan lamang na pisikal. Tumatayog ang mga gusali,
lumalawak ang mga kalye, nagiging moderno ang lahat pero nananatiling
tulog ang ating isipan tungo sa tamang paggalaw.
Sa isang lipunan, hindi maikakailang mahalaga ang pagpaparusa
sa mga nagkakasala. Kailangan ito para sa maayos na takbo ng bawat komunidad.
Pero marahil, hindi tama na sumasang-ayon tayo sa parusang pagpatay
anuman ang anyo nito. Dahil ang pagpatay ay may kaakibat o manipestasyon
ng di maayos na pagpatupad ng hustisya. Walang sinuman ang makapagsasabi
ng katotohanan na nilooban o pinagsamantalahan nga ng isang tao ang
kanyang biktima. Kung manunulay lamang tayo sa mga parametro ng batas,
hindi malayong makalikha tayo ng isang pagkakamali gaya ng pagpatay
sa isang inosenteng tao at lumikha ng labis na pagkabigla o bahid mismo
sa esensya ng hustisya.
Isang madaling paraan ang death penalty sa gobyerno
para tugunan ang hiling ng nakararami na sugpuin ang paglaganap ng krimen.
Pero hindi naman magandang pamamaraan ang death penalty para labanan
ang krimen. Walang tao na gustong pumatay ng kanyang kapwa. Ironikong
isipin na Estado pa ang pumapatay sa mga mamamayan nito.
Hindi bat ang esensya ng mga kulungan sa bansa
ay rehabilitasyon? Bakit hindi ito ang gawin natin?