Etsa-Pwera
Basta
may Letra, may Nagbabasa
Jun Cruz Reyes
Mahalaga
ang espesyalisasyon sa akademya, kaya nga may Ph.D. Sabi ngay
ang barbarismo ng espesyalisasayon, na nakatutok lamang sa tanging larangan.
Ang panagot ditoy ang halaga naman ng gamit ng muti dicipline
sa alin mang larangan. Parang may kantradiksyon sa dalawang panawagan.
Isang linya versus maraming linya ng pananaw. Resulta, kanya-kanyang
linya, kanya-kanyang mambabasa. Kung magkaminsan pa ngay kanya-kanyang
paksyon sa iisang linya ng iisang disiplina.
Resulta,
nawawala ang diskurso, dahil nawawalan ng odiens. Nawawala ang mambabasa,
dahil hindi nila binabasa ang trabaho ng iba. Maganda sigurong gawan
ng survey ang reading habit, halimbawa ng mga inhenyero, duktor at abogado.
Pwedeng itanong kung bukod sa linya nilay ano pa kaya ang binabasa
nila? Pwede ring baligtarin ang tanong, kung ano naman kaya ang binabasa
ng mga taga-CAL at CSSP, bukod sa espesyalisasyon nila? Yun namang mga
estudyante, nagbabasa kaya ng labas sa kurso, text book at assignment
nila? Ang mga graduate students, may oras pa kayang magbasa ng nasa
labas ng kanilang syllabus?
Iyon ang ironya ng espesyalisasyon. Pati ang mga mambabasa ay nagiging
espesyalisado rin. Resulta, matamlay na sirkulasyon ng publikasyon.
Kung magkaminsan, kahit ang sariling publikasyon mismo ay hindi na rin
tinatangkilik. Ibang usapin pa yon. Mahal bumili ng libro, at wala namang
book allowance ang mga taong nagpapakadalubhasa. Pero merong clothing
allowance. Alin ba ang unang dapat problemahin ng isang nagtuturo? Ang
laman ng utak niya, o ang damit na isusuot niya? Sabagay, yung isip,
wag lang ipapahalata, may takip na, di tulad ng katawang laging may
nakikita.
Kung problema na ang buhay na diskurso sa akademya, problema pa rin
ang anyo ng paglalabas nito. May dalawang pangkat at pamamaraan ng paghahayag
ng diskurso. Isang pang-journal na pang-sila-sila lamang ang babasa,
at ang popular na anyo na pang mass media. May kanya-kanyang gamit ang
dalawa. Pero naniniwala ako na bago magkaroon ng mga talakayan, mahalaga
munang magkaroon ng popularisasyon. Kung ni hindi nga alam na may lumabas
na ganito at ganoong libro, paano maaasahan ang makatuturang talakayan?
Gusto kong magbalita tungkol sa mga bagong labas na libro, lalo na yung
mga publikasyon ng U.P. Kung bakit U.P. Press, ito lang kasi ang nagpapadala
sa akin ng libreng libro. Kung bakit ko gusting gawin ito? Kasi nga
wala akong pambili ng libro, pero may oras pa namang magbasa.
Apat na libro tungkol sa peminismo ang inilabas ng U.P. Press. Naririyan
ang Rape, Love, and Sexuality: The Construction of Women in Discourse
ni Sylvia Estrada-Claudio; ang Home Body Memory, Filipina Artists in
the Visual Arts, 19th Century to the Present ni Flaudette May V. Datuin;
ang In the Name of the Mother: 100 Years of Philippine Feminist Poetry
ni Lilia Quindoza Santiago; at ang Gender Sensitive and Feminist Methodologies,
a Handbook for Health and Social Researchers na inedit ni Sylvia H.
Guerrero. (Ang hahaba ng titulo nila.)
Sa Rape
, pinagsanib ni Estrada-Claudio ang psychology at feminism.
Pinag-aralan niya ang mga kaso ng rape na lumabas sa tabloid, ang mga
love letter na isinulat nina Helen Montano at Sylvia de la Rosa at isang
tsapter sa librong Pagkababae.
Disipulo ni Dr. Virgilio Enriquez ang awtor. Si Enriquez na kinikilalang
ama ng sikolohiyang Filipino, na noon pay nagtanong na sa gamit
at silbi ng mga dayuhang canon sa pag-aaral sa mga paksang pang Pilipinas.
Sa frame work ni Estrada-Claudio, mukhang lumalabas na marami pa ring
foreign sources na magagamit kaysa trabaho ng mga Filipinong psychologist.
Kakaunti pa rin ba ang trabaho nila?
Dahil Psychology, hinanap ko yung human nature of rapists. Sabi nga
nya, Here we see a seeming contradiction in the construction of
sexuality. Even if rape is pathologized and criminalized, it is also
condoned and even understood. (p. 27). Medyo namumbroblema ako
dito. Legal ang basehan ng criminalized at psycho/social ang pathologized.
At patriarkal naman ang value ng sumunod na pangungusap.
Meron pa sigurong ibang pwedeng halungkatin sa paghahanap ng sagot kung
bakit may nang-ri-rape at kung bakit ganoon ang social response sa kaso.
May sagot si Estrada-Claudio sa huli, pero mukhang wala sa human nature.
Bahagi rin ba ng human nature ang animal instinct? Kaya nating isipin
na yung mga gagong hindi resourceful ay nanggagahasa, pero paano iisipin
na pinuproblema rin ng Vatican ang mga pari at Obispo na nasasangkot
din sa ganitong kaso? Kung nanggagahasa ang mga mala-santo, e mga eunoch
lang siguro ang mapapagkatiwalaan. Sa ebolusyon ng tao, nasaan ang distinksyon
ng paghihiwalay ng tao sa hayup? Sabi ni Carl Jung, pwedeng halungkatin
ang unconscious mind doon sa seksyon na kinalalagyan ng recesses ng
pre history.
May relasyon din ang wika at gender higit pa sa nakita nina Kristeva
at Lacan. Sa kaso ng Pilipinas, at ng feminista, pwedeng itanong kung
pwede bang lumaya ang tao na hindi kasamang lalaya ang wika? Wika ang
daluyan ng ano mang nasa isip ng isang tao. May sinasabi ang wika na
hindi nito sinasabi. Halimbaway ang kasalukuyang pagpapalaganap,
lalu na sa akademya, ng mga terminong di umanoy politically correct,
na ang ugat lang naman talagay ang pagpapanatili sa pinong sensibilidad
(daw) ng naghaharing-uri. Sila rin ang nagtakda sa kung ano ang bastos
at ano ang hindi. Kung ano ang abnormal at kung ano ang normal. Sila
rin ang nag-pathologize sa mga akto na ipinagpapalagay na masama sa
umiiral na sistema. (Foucault)
Sa ganitong pananaw ay baka pwede nang tignan ang attitude ng tao, pati
na ang media sa sex. Hirap na hirap ang mga dyarista sa pagrireport
nito. Para rin sa mga babasahing pa-erotic, ni hindi masabi ang termino
sa sex ng tao. Hiyas ang sa babae at sandata ang sa lalaki. Hindi naman
tumutula, at hindi rin naman kwentong pambatang for adults only.
Sa antolohiya ng maikling kwento, ang Likhaan 99, may kwento si
Babeth Llolarga na may pamagat na Ang Himas ni Ricardo. Pinakamatapang
na kwento ito sa kasalukuyan, kung ang malayang gamit ng wika ang pag-uusapan.
Paano ikukwento ang love making, sa pamamaraang intimate at natural?
Basahin si Llolarga. May isinusulong siyang ibang tendensya na feminista,
na dahil iilan pa lang naman ang ganoong obra ay pwedeng tawagin munang:
Pagpapalaya ang wika at feminista.
May isa pang librong feministang lumabas. Ito ay ang pioneering na pag-aaral
ni Flaudette May V. Datuin sa mga pintor na babae ng siglo 19. Ito ang
Home Body Memory, Filipina Artists in the Visual Arts, 19th Century
to the Present. Maraming ibinibigay na insight ang libro. Halimbaway
kung paano ba pinag-aaralan at maiintindihan ang isang painting na gawa
ng isang babae. Paano ito hinuhusgahan? Isinusulong niya ang feminismong
pamamaraan sa art appreciation. Kinukwestyon din niya ang canon ng kinagisnang
kritisismo, na kung saan ang babae bilang pintor at subject matter ay
laging nasa laylayan lamang.
Matapos halughugin ang libro, palagay koy naunawaan ko sina Brenda
Fajardo, Imelda Cajipe Endaya at ilan pang paborito kong pintor na babae.
Pati na rin ang mga pintor na isinakrepisyo ang interes at talent para
makatulong sa pagpapalaki ng mga anak at makatulong sa asawa tulad ni
Pelagia Mendoza na napangasawa ni Crispulo Zamora (na siya pa ring pinanggalingan
ng may kalidad na tropeo hanggang sa ngayon), na mas inasikaso ang negosyo
ng asawa kaysa pagpipinta, o ang magkapatid na Paz at Adelaida Paterno
na kinailangang tumandang dalaga para lamang huwag maistorbo sa pagpipinta.
Pero marami pa ring tanong na naiwan sa isip ko.
Sa proseso ng paglikha, lagit laging may nasasakrepisyo. Hindi
masakit kung ang desisyon ay personal, kahit paanoy may pagpipilian.
Pero paano ang mga walang karapatang magdesisyon? Paano ang mga nagluluto,
naglalaba, naglilinis sa loob at labas man ng bahay, para lamang may
makapagpinta, hindi lamang ang lalaki kundi ang babae? Ang naggugupit
ng kanilang buhok? Ang tumatabas ng kanilang damit? Wala ba silang karapatang
idiskubre ang talento nila? Kung may talentong magpintay panghihinayangan
natin? At kung wala? Kung hindi pa nadidiskubre? Kung walang panahong
diskubrihin? Hahayaan na lamang natin? Ang kalayaan ba ng kababaihan
ay nakalaan lamang para sa mga may talento? Ang ginhawa ba ng ilan,
kahit pansamantala, ay dapat na maging parusa sa iba? Kakaunti lamang
ang mga pinagpalang nadiskubreng may talento sila. Sa ibaba, mas marami
ang bilang, naghahanap din sila ng kalayaan.
Ilan lamang ito sa mga kalabas na libro. May mga susunod pa. Tangkilikin
natin ang sarili nating publikasyon. Basahin natin at pag-usapan. Pabilhin
natin ang mga estudyanteng may pambili. Saka natin isunod ang mga makatuturang
talakayan. Ganyan talaga ang buhay akademya, hanggang may letra may
magbabasa. Sanay mas marami, mas mainam.