Etsa-Pwera
Ang partnership ni Big Boss, at ni Boss
ni Jun Cruz Reyes
Nawa-wartrip
na naman ang Estados Unidos. Sa Iraq naman napapraning. Manaka-naka
itong sinusumpong, nangangati na naman ang kamay, naghahanap ng kagalit.
Nagha-hallucinate na naman. Pumapapel ng bida sa kanyang totoong gyera-gyerahan.
Parang matong hindi mapalagay kapag hindi napapalaban. Sasabak din ang
numero nitong alalay, ang Pilipinas, na sali nang sali sa gyera ng may
gyera, na pagkatapang-tapang ay alalay lang naman. Global ang panig
ng U.S. Kailangan nitong pangalagaan ang interes nito sa buong mundo.
Nakiki-global din ang Pilipinas, na iba naman ang depinisyon. Kung bakit
tayoy nasasali sa gulo, sapagkat mas malamang may Filipino saanmang
bahagi ng mundo, na kakikitaan ng nawawalang trabaho rito.
Ang problema natiy trabaho. Pero ang pinagkakaabalahan
natiy sumawsaw sa gulo ng may gulo. Yun nga lang gulo natin, hindi
natin makaya. Yung mga pinauwing Filipinong galing sa Sabah, pumupuslit
pabalik. Kung dooy dinarahas sila, mas mainam na raw iyon, dahil
ditoy ginugutom sila. Hiyang-hiya naman tayong magreklamo sa Malaysia,
baka magalit sila, e kristyanong bansa tayo na naniniwala sa love thy
neighbor. Wag nang isama sa usapang inaari natin ang Sabah, na nagpapalayas
sa may-ari. May problema rin sa Spratly, ayaw din nating lumaban, at
baka nga patulan tayoy mas malaking kahihiyan ang sapitin natin.
Mabubukong ang gamit natiy pinaglumaan lang pala ni Big Boss.
Wais si Big Boss, pero matapang tayo, kapag kasama ito. Kasali tayo
sa gyera sa Hapon, Korea at Vietnam. Kasama rin tayo sa Chekoslovakia
hanggang East Timor. Basta may magbabayad sa pamasahe natin, lalarga
tayo. Dooy malinaw ang papel natin. May overall command na magdidikta
sa atin. Tulad nang nangyari sa Bataan at Corregidor noong panahon ng
Hapon. Huwag kayong susuko, patagalin ang laban, bilin ni Mac Arthur,
na ang dahilan lang ay para hindi makaabot sa Australia ang gyera. Sinunod
naman natin, sabi kasi ni Big Boss.
Magandang pakinggan ang sariling kapartner. Parang si
Fat and Thin, Laurel and Hardy, Dolphy at Panchito, Batman at Robin,
pwede rin Mel and Jay. Sa ganitong kumbinasyon, malinaw ang papel ng
bawat isa. Teamwork lang ang kahulugan noon, trabaho lang, para sumikat,
para magkapera. Iba ang partnership ng U.S. at Pilipinas, nakaangkla
sa gulangan. Mulat sapul, pang press release lang.
Hindi talaga pwedeng magkapartner ang hindi magkapantay.
Pwede lang mag ilusyon ang nasa ibaba. Kahit gaano kabait ang amo, ang
katulong ay katulong pa rin. Iba rin ang kadahilanan kung bakit nakakalat
sa mundo ang mga Amerikanong Filipino. Ang unay mga turistang
namamasyal dahil walang magawa sa buhay. Ang ikalawa namay pikit
matang lumalayo sa mga mahal sa buhay, makakita lamang ng mabuti-buting
ikabubuhay. Iba pa rin kung bakit sila nasasangkot sa gulo. Nanghihimasok
ang natitirang pinakamayamang boss ng mundo, at nang-aamuhang mabuti
naman tayo. Iba rin ang pamamaraan natin sa pag-iwas sa gulo. Yung unay
umaasa sa mga travel advisory ng kanilang mga embahada, para sa listahan
ng mga bansang dapat iwasan. Sa atiy dasal lamang ang pwedeng
ipaabot. Saka ang paalaalang mag-ingat, matutong makipagpatintero sa
bala at makipag hide and seek sa bomba. Sa mga nabibiktima, pwedeng
kagalitan ang mga Amerikanong matitigas ang ulo. At tayo, paano kagagalitan
ang taong nagdadala ng dolyar sa bansa, kahit sa mga mapanganib na kalagayan?
Hindi rin naman tayo sasaya kung uuwi silang lahat. Mas lalaki pa nga
ang problema. Paano na pasuswelduhin ang mga taong gusto lamang maglingkod
sa bayan? Kawawa naman sila?
Sa ganitong kalagayan, kung tutuusin, ang dapat na posisyon
ng Pilipinas ay iwas gulo, para mapangalagaan ang mga mamamayan nitong
nakakalat sa mundo. Masama sa interes ng ating mga overseas worker ang
gyera. Sila ang ating mga bayani. Mas masama rin naming pauwiin sila.
Unay wala naming trabahong naghihintay rito. Pangalawa, sayang
naman ang mga remittances nila.
Milyong Filipino ang nasa Sabah, nagagalit tayong minamaltrato
sila. Na para bang ang Malaysia ang nag-umpisa ng problema. Na para
bang ang pagpapabaya natin sa kanila, na kaya nila naisipang umalis
ay hindi isang anyo rin ng pagmamaltrato. Karamihan sa kanilay
mga Muslim. Mga nagsitakas sa kaguluhan sa Sulu at Basilan, sa panahon
pa naman ng diktadura. Kung ang mga mamamayan sa mga bayang itoy
umaayaw na sa sariling bayan, saan natin sila dadalhin?
Ang ganitong pag-ayaw ay nangyayari hindi lamang sa
mga lupaing Muslim. Totoo ito sa buong bayan. Sampung porsyento na ng
Filipino ang nasa ibang bayan. Pinapasok nila ang lahat ng gawaing ayaw
ng amo nila. Manggagawa sila sa konstruksyon sa gitnang silangan. Mangingisda
sila sa Taiwan. Puta sa Japan. Katulong sa kahit saan. Kahit maghugas
ng puwit ng may puwit, gagawin natin. Care giver ang tawag sa pinakabagong
trabahong nakalaan sa mga Filipino sa labas ng bansa.
Sa lahat ng ito, taas noong ipinagmamalaki nating kaya
tayo gusto ng mga dayuhang employer ay mababait nay episyente
pa tayo. Higit sa lahat, marunong umingles. Itong huli ang isang usaping
hindi mamatay-matay sa atin. Laging ipinagmamalaking mahusay tayong
umingles. Na mahalaga iyon sa pag-unlad ng isang bayan. Totoo iyon sa
mga bansang katulad ng US, Canada, Britain, at Australia. Sa labas ng
mga iyon, kanya-kanya na ng wika ng progreso. Pwedeng German, Hapon
o Intsik.
Bakit tayo tinuruang umingles ng ating ka-partner sa
demokrasya? Tiyak, hindi para makipagtalo sa kanila. Hindi rin para
tumutol. Mahalaga ring matutong umingles ang tuta. Kung hindi, paano
niya maiintindihan ang gusto ng amo?
Sa kanila, ang kahulugan ng pagkatuto ng wika ay para
makaintindi, hindi ng gusto ng maliit kundi ng nag-uutos. Pwedeng pugutan
ng ulo ang ayaw sumunod (mga kaso sa Saudi Arabia). Pwede ring ipabitay
(ala Flor Contemplacion sa Singapore noon), ipakulong o pabalikin sa
Pilipinas ang ayaw umintindi. Sa mga ganitong kasoy nalulungkot/nagagalit
tayo. Natututo tayong magpahayag ng reklamo. Laging ganoon. Manaka-naka
ang galit natin. Sapagkat walang solusyong naghihintay sa sariling bayan.
Nawawala ang ating mga karapatan.
Ano na ang nagyari sa ating boses? Ingles, para isatinig
ang tsu-tsuwa-tsu-tsuwari-wariwap. Malakas at buo ang ating tinig kapag
sumasagot tayo ng Sir yes sir. At pipi tayo sa paghaharap ng mga protesta.
Ang mga pulitikong kinatawan natin (dapat), ay alam (dapat) ang mga
batas na dapat gawin. Sila sa kung saan galing, na laging kinakausap
ng may yes your honor at honorable, kaninong boses ang kanilang isinasatinig?
Iba ang reaksyon nila sa kalansing ng dolyar. Mas malakas at mas marami,
mas nakabibingi.
Samantala, may mga kaluskos sa ibaba. Lumalakas, dumarami.
Wala bang marunong bumasa sa wika nila? Si Boss at ang kanyang Big Boss,
nago-globalize na naman. Nagagalit sa mga gumagawa ng mga weapons of
mass destruction, na ano kaya naman ang tawag sa gagamitin nilang kontra
armas? War toys? Kung problema si Big Boss, tiyak na hindi solusyon
si Small Boss. Kapit mga kapatid, hinahangin na naman ang ulo ng ating
mga kapanalig. Magtototohanang war games na naman sila. At iyoy
hindi akto ng isang terorismo?
Opinyon
Editorial
Pagpukaw
sa kolektibong gunita
Heresies
Revisiting
the American Past
Etsa-Pwera
Ang
partnership ni Big Boss at ni Boss