Alalahanin
ang nakaraan,
Kamtin ang Kinabukasan!
Kalayaan at Soberanya,
Patuloy nating Ipaglaban!
Ginugunita
natin sa araw na ito ang makasaysayang pagbasura ng
12 Senador noong 1991 sa Treaty of Friendship, Cooperation and Security
na naglayong palitan ang 1947 Military Bases Agreement (MBA) at patuloy
na magpanatili ng mga base militar noon sa ating bansa.
Nagsaya ang sambayanan
noon, at ngayon ay muli nating inaalala hindi lang ang panandaliang
tagumpay kundi ang esensya ng ating ipinaglaban. Alam natin, noon pa
man, na hindi pa tapos ang anti-imperyalistang pakikibaka at kailangan
tayong maghanda sa gitna ng interes ng naghaharing uri na pabalikin
ang mga base militar sa ating bansa.
Sinubukan ng pamahalaan
noong 1994 na ipasa ang Acquisition and Cross Servicing Agreement (ACSA)
subalit hindi ito nagtagumpay. Gayundin ang kaso sa panukalang Status
of Forces Agreement (SOFA) noong Nobyembre 1997, bagamat makalipas
ang ilang buwan, nagkaroon ng pagpapalit ng pangalan at tinawag na itong
Visiting Forces Agreement (VFA).
Sa kabila ng pagtutol ng limang Senador, niratipika ang VFA noong 1999
--- patunay ng patuloy na pagpapakatuta sa dayuhang interes ng administrasyon.
Ang pagpapakatutang
ito ay muling nakita sa mabilis na pagsuporta ng administrasyong Macapagal-Arroyo
sa Estados Unidos nang magdeklara ang huli ng giyera laban diumano sa
terorismo. Mistulang papet ang pamahalaan kung susuriin ang mga pahayag
nina George W. Bush at Gloria Macapagal-Arroyo. Ang esenya ay iisa bagamat
magkakaiba ang termino at lengguwaheng ginagamit --- tugisin ang mga
lumalaban sa imperyalismo at tawagin silang mga terorista/komunista
sa kabila ng kanilang mga lehitimong ipinaglalaban.
Tunay na ang pagdurog
diumano sa terorismo ang ginagamit na dahilan para magpatuloy ang mga
Balikatan joint military exercises ng mga sundalong Amerikano at Pilipino.
Ito rin ang pangunahing depensa ng pamahalaan kung bakit kailangan ang
Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) na naglalayong magbigay ng
billeting services para sa mga sundalong Amerikano at storage facilities
para sa mga kagamitan at armas nila.
Ngayon ang panahon
para alalahanin ang aral ng sama-samang pagkilos laban sa imperyalistang
paghahari. Mahaba ang kasaysayan ng ating pakikibaka para sa pagbabago,
at mahaba na rin ang listahan ng ating mga tagumpay bunga ng ating pagkilos.
Sa araw na ito,
alalahanin natin ang mga aral ng nakaraan sa pagpapanday ng ating kinabukasan.
Nasa ating teorya at praktika ang tamang linya ng pakikibaka, nasa ating
mga kamay ang katuparan ng ating haraya.
Ibasura ang 1947 Military Assistance Agreement (MAA), 1951 Mutual Defense
Treaty (MDT) at 1999 VFA!
Ibasura ang MLSA!
Tutulan ang Pagbabalik ng mga Base Militar!
Palayasin ang mga Tropang Amerikano sa Pilipinas!
Ibagsak ang Imperyalismo!
Ipaglaban ang ating Kalayaan!
Pahayag ng Congress
of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP), University
of the Philippines
16 Setyembre 2002
Diskusyon
The
day the Senate said no to Uncle Sam
An insider's
account
by Roland Simbulan
No to all-out war, yes to peace negotiations