|
Editorial
Urong-sulong sa pambansang wika
Lagi
na lamang sinusubok ang pambansang wika. Sa halip na ipagmalaki,
arugain, patatagin, palaganapin bilang wika para sa opisyal na komunikasyon
at pagtuturo tulad ng inaatas ng 1987 Konstitusyon, kakatwang isipin
na pangulo pa ng bansa ang mangunguna sa pag-urong ng suporta para
dito nang ideklara niyang ibalik ang Ingles at palakasin pa lalo
ito bilang pangunahing wika sa pagtuturo.
Malinaw naman
sana ang pagkakasulat ng mga probisyon sa pambansang wika sa 1987
Konstitusyon, sa wikang Ingles man o Filipino. Ilan sa mga propesor
ng UP ang lumahok sa mga public hearing at deliberasyon sa wika
ng Komisyong Konstitusyunal para isulong ang Filipino bilang pambansang
wika at bantayan ang pagkakasulat nito.
Wala nang lilinaw
pa sa deklarasyon ng Artikulo XIV, Seksyon 6 na:
“Ang pambansang
wika ng Pilipinas ay Filipino.”
At gayundin
sa pagkilala sa Artikulo XIV, Seksyon 7 sa Filipino bilang pangunahing
opisyal na wika ng Pilipinas:
“Para sa komunikasyon
at pagtuturo, ang mga opisyal na wika ng Pilipinas ay Filipino at,
hanggat walang itinatakda ang batas, Ingles.”
Matatag sa Konstitusyon ang katayuan ng Filipino ngunit hindi ng
Ingles sapagkat maaring magkaroon ng batas para bawiin ang opisyal
na status ng Ingles, hindi ng Filipino.
Lalo pang pinalakas
ng Konstitusyon ang suporta sa Filipino sa pag-atas nito sa gobyerno
at Kongreso sa Artikulo XIV, Seksyon 6 na gumawa ng mga karampatang
hakbang para patatagin ang paggamit ng wikang Filipino:
“Alinsunod
sa mga probisyon ng batas at kung mamarapatin ng Kongreso, gagawa
ng hakbang ang gobyerno upang simulan at itaguyod ang paggamit ng
Filipino bilang wika ng opisyal na komunikasyon at bilang wika sa
pagtuturo sa sistema ng edukasyon.”
Ngunit ang
klarong atas na ito ng Konstitusyon ang mismong ginagamit ni Pangulong
GMA na pangangatwiran para sa di pagtaguyod ng Filipino bilang wika
sa pagtuturo. Dinadahilan niya ang mabilis na pagsulong ng Information
Technology. Kailangang paghusayin muli ang Ingles para magkaroon
ng bentahe ang mga Pilipino bilang mga “knowledge workers.” Sa kanyang
isip marahil, likas na sa wikang Ingles ang syensya at teknolohiya.
Tanging sa Ingles lamang matatamo ang kaalaman sa syensya at teknolohiya.
Di ito makakayanan sa wikang Filipino.
Kung totoo,
bakit Koreano at Hapon na di bihasa sa Ingles ang nangunguna lagi
sa mga pagsusulit sa matematika? Bakit maraming teknolohikal na
pagsulong ang nagmumula sa mga bansang sariling wika ang ginagamit
sa kanilang sistema ng edukasyon? Bakit tayong matagal nang nagmamalaki
sa pagkatatas natin sa Ingles ay nahuhuli at nananatiling lugmok
sa kahirapan?
Sa halip na
tingnang tanging sa wikang Ingles nakasalalay ang pagsulong natin
sa syensya man o sa IT, bakit hindi batayang syensya at syentipikong
metodo ang bigyang diin sa anumang wika ito mas mabisang ituro?
Ang pundasyon ng syentipikong kaisipan ay ipinupunla sa kamalayan
ng mga indibidwal habang bata pa lamang. Sa yugtong ito ng buhay
nagsisimula ang obserbasyon at pagsusuri, dalawang bagay na humuhubog
sa syentipikong kamalayan. Nagkakaroon ng malaking balakid ang obserbasyon
at inoobserbahan ng isang bata kapag pinilit siyang magsalita at
mag-isip sa wikang banyaga. Tulad ng napatunayan na ng ilang pag-aaral,
higit na epektibo kung ang wikang kinagisnan ng bata ang wikang
gagamiting panturo sa kanya sa mga unang baitang ng kanyang pag-aaral.
Sa Pilipinas, maari itong Filipino o iba pang lokal na wika.
Ngunit paano
isasalin ang mga terminong syentipiko? Magiging madugo ang prosesong
ito. Hindi kung hihiramin at aangkinin, tulad ng ginagawa ng Indonesia
at Malaysia, tulad ng ginawa ng Ingles. Huwag naman sana tayong
bumalik sa yugto ng pag-iimbento ng mga salitang wala sa ating bokabularyo.
Walang purong wika. Dinamiko ito at nabubuhay sa panghihiram at
pag-aangkin. Bakit hindi maaring panatilihin ang syentipikong termino
at ipaliwanag sa Filipino tulad ng ginagawa ng karamihang titser
ngayon?
Totoong marami
sa atin na lumaki sa Ingles bilang midyum ng instruksyon ang nababagabag
tuwing makatagpo ng mali-maling pagsulat o pagsalita sa Ingles.
Hindi natin dapat ipagdalamhati ito kung makikitang tuwid naman
magsulat, magsalita at mag-isip sa Filipino. Ang kaalaman ay hindi
naibabahagi sa wikang Ingles lamang.
Samantala,
hindi maikakailang malaki na ang pagsulong ng ating pambansang wika.
Habang urong-sulong pa rin ang Kongreso at gobyerno sa pagtupad
sa atas ng Konstitusyon, nauna na ang brodkast midya sa paggamit
at pagpalaganap ng Filipino. Lumikas na ang mga programa sa Ingles
sa cable TV at halos lahat ng programa sa lokal na TV network at
radyong AM ay nasa Filipino. Isa itong realidad na hindi maitatatwa.
Bunga ito ng realisasyon na sa pagpalaganap ng impormasyon sa taumbayan,
kailangang gamitin ang wikang batid ng nakararami, ang wikang magpapahintulot
sa kanilang lumahok sa mga pambansang usapin.
Ironikal, ngunit
ang gobyerno pa ngayon ang nagsisilbing balakid sa pagsulong ng
Filipino. Kung sabagay, wala pa naman talagang presidente ang naging
seryoso sa pagtaguyod ng pambansang wika. Karaniwang pangritwal
lamang o pambungad na salita at pangwakas ng isang talumpati ng
mga pinunong bayan ang gamit nito ng pambansang wika. Natatauhan
lamang ang mga lider pulitikal tuwing dumarating ang panahon ng
kampanya sa eleksyon kung kailan kailangang makipag-usap sa mga
mamamayan para makuha ang kanilang boto.
Matagal nang
pribilehyado ang Ingles. Dominado nito ang mga pangunahing institusyon
ng ating lipunan – ang gobyerno, ang sistemang edukasyon, ang mga
pahayagan, ang larangan ng kalakalan. Samantala, ang maliliit at
nakararami sa lipunan ay naiiwanang walang kapangyarihang lumahok
sa mahahalagang usapin sa bayan sapagkat anumang gawin at sa kabila
ng halos sandaang taong pag-iral ng wikang Ingles sa sistemang edukasyon,
di pa rin abot kamay nila ang kaalamang magpapabuti ng kalidad ng
kanilang buhay.
Urong-sulong,
sulong-urong. Yan ang gawi ng gobyerno sa isyu ng pambansang wika.
Paano susulong ang bayan?
|