|
Etsa-Pwera
Minsan, may isang Rock Star
(ang silbi ng mga artist kung mayroon man)
ni Jun
Cruz Reyes
Hanggang
ngayon, malimit pa rin akong tanungin kung bakit ako nagsusulat,
na may kasunod pang tanong tungkol sa musa. Ganoon ang tanong sa
akin ng isang security guard at isang estudyante minsang namasyal
kami sa Davao City para ipromowt ang jubilee series ng U.P. Press,
ang read-up campaign, na umiengganyo sa mga estudyante na magbasa,
sa paglalabas ng murang libro.
Hangga ngayo’y naiilang pa rin akong sagutin iyon. Laging nagiging
depensib ako. Sabi ng isip ko, kaya ako nagsusulat ay sapagkat natuto
akong magbasa. Pero hindi naman lahat ng nagbabasa ay nagsusulat,
at lalung hindi naman lahat ng nagsusulat ay nagbabasa. May iba
pang sagot.
Sapagkat magulo ang mundo. Sapagkat malimit ay kulang ang mga pang-unawa.
Magiging makulit ka kung ulit-ulit lang ang sinasabi. Sa pagsusulat,
ang kulit ay nagiging paboritong tema. Maari ding bagu-baguhin ang
porma. Kung nasabi na sa isang kwento ay pwede namang itula o gawing
dula.
Nagsusulat ang isang tao, hindi lamang dahil may ibig siyang sabihin,
kundi dahil matutunan niya ang mabisang pamamaraan ng pagsasalansan
(pag-aayos) ng mga salita. Iyon ang pinagkakaiba ng mga manunulat,
kung paano niya inaayos ang mga salita, na bubuhay sa ano mang pinaniniwalaan
niya.
Nagsusulat ako sapagkat magulo ang paligid. Halimbawa, pag nagbasa
ng dyaryo, ang laman ay dati pa rin. Naririyan ang mga trapo, na
ipinagpipilitan ang mga sarili. Ang awtoridad na hingi makahuli
ng malaking isda. Ang pangulo, na hindi mo mahulaan kung anong ipinakain
ng pangulong amo na taga-ibayong dagat, na kahit nag-iisa na’y sugod
pa rin nang sugod sa gyera ng may gyera. Ang pangulong amo, na kapag
nakagalitan ka’y uumangan ka ng mga armas pandigma, na ang katwira’y
banatan na, kasi baka maunahan pa. Preventive attack ang tawag nila
roon. At ang kinagagalitang weapons of mass destruction, ay pangkalaban
lamang. Ang sa kanila’y cute lethal war machines. Ang mga pagpapaliwanag
ng mga diplomat at mga spokesperson, na parang magagandang pakinggan,
pero hindi naman nagsasabi ng totoo. Ang usaping pangkapayapaan,
na may halong blackmail, paninindak at pagpapasuko.
Kung kulang pa ang kahibangan sa dyaryo, tignan ang laman ng telebisyon.
Araw-araw na pyesta sa Eat Bulaga. Lahat ng kontest ay kabisado
na nila, pang matanda, bata, lalaki-babae-bakla, pampangit at pangmaganda.
Pati ang kahulugan ng talent ay pang circus o carnaval na. Marunong
kang kumain ng bubog? Pardible na lang para mas maliit, kaya mo?
Ang saya-saya nila. Sang katutak din ang game show, na kung magkaminsa’y
hindi mo na alam kung katinuan pa ba ang tinatanong. Ano nga ulit
ang apelido ni Washington? Sang damakmak din ang mga debate, na
hanggang nagtatalo ay lalong gumugulo. Idagdag pa ang awayan ;nina
Bro. Ely Soriano at Iglesia ni Cristo, at ang stripe at makulay
na coat ni Bro. Mike Velarde. At lahat sila’y nagsasabi raw ng katotohanang
magliligtas sa tao. Kung sawa na’y panoorin lahat ng sitcom, at
magsarbey kung sino sa mga artista ang may pinakamalalim na pusod
at pinakamaluwang na dibdib sa pagpapaiklian at pagmemenos nila
sa damit. Kung seryoso nama’y pwedeng makiiyak sa problema nina
Juan Miguel, sa walang katapusang komprontasyon sa mga telenovela.
Sa radyo nama’y
walang habas umingles ang d.j. na ang kausap lang naman sa telepono’y
isang ordinaryong taumbahay o kaya’y isang estudyanteng walang magawa.
Na ang sauladong ingles ay can I greet at can I request, o kaya’y
wow, grabe, fine, what ever. Nagkakaintindihan naman sila. Saka
patutugtugin and aserehe, he…(he-he-he.)
Araw-araw, oras-oras tayong ini-idiotize. At magtatanong ang mga
among tunay kung bakit bumababa ang kalidad ng edukasyon, at magpapanukala
ng sagot sa gulung-gulong mundo na hindi naman ipinaglihi sa pubic
hair. At magsisihan . Kasi ang mga titser, kasi ang estudyante.
Kasi-kasi. Palagay ko nga’y talamak na ang kabobohan, pero hindi
iyon monopolyo ng akademya. Tila yata mas malala iyon sa labas ng
mga eskwelahan. Sa pagsusuma sa problema ng lipunan, kung anu-ano
ang nakikita, hay kung anu-ano na rin ang ipinagbabawal.
Sa Davao City,
bawal magsigarilyo sa lahat ng lugar na may bubong. Hindi ko maintindihan
ang relasyon ng usok sa bubong . Mukha naman silang masasaya, dahil
lahat ng paninda’y mura. Nagkalat ang mga panindang smageld. May
patangay pang mga VCD na triple X. Alin kaya ang mas masama? Nagkalat
din ang mga pulubi at palaboy, pero hindi naman hinuhuli, dahil
hindi naman daw nagsisigarilyo.
Sa Metro Manila, bawal naman ang lumabas ng bahay nang hubad. Bawal
na rin tumira sa malapit sa riles ng tren, pero kahit anong pagkain,
mula isda, gulay at karne ay smagled pa rin. Bawal na rin magdala
ng baril, pero nakakapuslit pa rin sa armory ng military ang mga
baril.
Nakakatuyo
ng isip. Sasabak pa si M’am, na kaya daw mahina ang ating edukasyon
ay dahil, hindi na tayo mahusay umingles. Siya na kapaligiran lamang
ay hindi mabigkas nang maayos ay namumroblema sa grammar. Alin ba
ang mas nakakahiya sa isang Filipino, ang ingles na pangkalabaw,
o ang Filipino nilang pang carabao?
Magulo. Hazardous
sa katinuan ang sistema. Kaya may nagsusulat, tulad rin ng lahat
ng artist, ano man ang kanilang pinaniniwalaan, ay sapagkat naglipana
ang libangan. Kailangan natin ng order, ng harmony. Ito ang ibig
kong sabihin sa pagsasalansan. Halimbawa sa U.P. kung panay tunog
ng tambutso at busina at takatak ng sapatos ang maririnig mo, nakakatuwa
ba? Pero kung ang mga tunog ay isinasaayos, hindi iyon basta pagkalampag
sa mga drums at iba pang katutubong instrumento. Musika iyon. Kaya
nangingiti tayo para sa musika ni Edru Abraham. Isinasalansan din
nang maayos ang kulay at kumposisyon, tulad ng ginagawa nina Neil
Doloricon ng College of Fine Arts. Ganoon din sa teatro nina Anton
Juan. Sa totoong buhay ay sabay-sabay nagsasalita ang tao. Sabay-sabay
din silang kumikilos. Sa teatro’y kailangan ng focusing, kaya nagkakaintindihan.
At ang mga
manunulat sa campus? Tulad ng mga kapwa artist, hindi mga salita
lamang ang kanilang inaayos. Hindi pagsusulat lamang ni pagtuturo
ang kanilang kinauubrahan. Nakita ko ‘yon sa U.P. Davao. Sa main
campus, kasama ng mga estudyante ang kambing, baka at kalabaw. Kasama
rin ang mga settler (squatter) sa loob ng campus, kasama ng mga
motorsiklo na naglululan ng lima hanggang anim na pasahero, na kung
tawagin nila’y habal-habal (mating), sa baku-bakong daan na binansagan
nilang Abortion Road, na kung hindi nagpupulbos ng alikabok, ay
nanggigitata sa putik. Nakita ko rin ang campus sa downtown na may
basement, na pwede ring tawaging poso-negro, dahil dito naiipon
ang lahat ng tubig kanal, kapag tagulan. At ang kanilang bubong
na walang kisame, paano kaya sa panahon ng El Niño?
Kung ang tingin
natin sa buhay Diliman ay miserable? Ano kaya ang tawag sa kanila?
O aayusin, tulad ng ginagawa natin sa salita kapag tayo’y tumutula?
Sa pamamasyal sa campus, inabutan naming si Chancellor sa wakes.
Kausap niya ang mga volunteer na magdadala ng bigas para sa mga
lumad, at para na rin sa mga titser ng Pahinungód. Seryoso
si Chancellor Ricky de Ungria. Habang hinihintay namin siyang matapos,
naalala ko ulit ang tanong ng security guard at estudyante tungkol
sa ginagawa ng isang manunulat. Biglang pumasok sa isip ko ang rock
music at performance poetry. Naririnig ko ang ritmo. Naalala kong
makata nga pala si Chancellor. Noo’y binansagan siyang rock star.
Ngayo’y hindi na linya lamang ng kanta at tula ang kanyang inaayos
at pinagkakaabalahan. Gusto n’yo rin siyang tanungin kung ano ang
pwede pang gawin ng isang manunulat? Maraming-marami, mas makabuluhan
pa sa pagkuha ng units sa Ph.D.
|