|
Etsa-Pwera
Ang pulitika sang-ayon kay Gat Munti: Sobra pero kulang
Ni Jun
Cruz Reyes
Ang
daming bagong panawagang lumalabas mula sa gubyerno. Ang bagong
slogan ay ang pagpupundar daw ng strong republic, na ang katumbas
ay kagalit ang hindi kasali. Matapos bansagang terorista ang mga
nasa kabila ng bakod, ang panawagan naman ngayo’y national unity,
na kinabukasa’y naging council of the state, na nang sumunod na
araw ay naging government for national cooperation. Magandang pakinggang
lahat, kahit pabagu-bago, pero hindi malinaw ang kahulugan.
Ang ugat ng problema diumano ng bansa, sang-ayon kay Pres. Arroyo,
ay ang sobrang pulitika. Sinang-ayunanan naman iyon ng lahat ng
pulitikong gustong malagay din sa dyaryo ang kanilang opinyon. Ito
na ang problema, ano ba talaga ang ibig sabihin ng sobrang pulitika?
Meron bang kulang o sapat na pulitika? Paano ito sinusukat? Por
kilo ba ito o por dangkal? Sang-ayon sa matatandang Griyego, socio-political
animal ang tao, kaya regular lang na aktibidad ang pang-araw-araw
na pulitika. Kung normal na gawain ito, bakit/kailan naging sobra?
May kakaibang konsepto sa pulitika sa bansa. Kahit dito sa akademya’y
maririnig ang – pulitika ng mga departamento at “pag hindi nanalo
sa kung anong pagalingan, ang katwira’y napulitika.” Tulad rin sa
labas, ang taong plastik na laging nakangiti ay pulitikong tao.
“Pag panay maganda ang sinasabi, ito’y namumulitika. Mukhang ang
mga tao lamang sa Pol. Sci. Dept. ang alam ang kahulugan ng pulitika,
sang-ayon sa libro. Gaano na ba karaming pag-aaral sa pulitika ng
bansa ang naisagawa na tulad ng isinulat ni Dr. Agpalo, ang Politics
of Pandanggo-sa-ilaw?
Negatibo ang tingin ng ordinaryong tao sa salitang pulitika. Ito
rin ang pinuproblema ni GMA. Usapin din ito ng semantics. Kung sa
ingles nag-uusap, mukhang nagkakaintindihan ang tao sa kahulugan
ng pulitika (?), pero kapag isinalin na sa wikang Filipino, nagiging
negatibo ang kahulugan nito. Kaya nga ang terminong sobrang pulitika,
na sa ingles ay politicking lang naman ang katapat. Pwede sigurong
sobrang political maneuvering, sobrang partisan politics, o kulang
sa political awareness, kulang sa political involvement etc. Pero
sobra o kulang na pulitika?
Siguro’y panahon nang magsagawa ng mga pag-aaral sa political culture
ng bansa. Pagsisinop ito sa pinanggalingan ng konsepto natin sa
pulitika, hindi iyong itinanim lang basta rito ng mga dayuhan, kundi
‘yung kaisipang nakikita ng mga cultural anthropologist, at itinala
ng mga sinaunang chronicler sa Pilipinas tulad ni Pedro Chirino,
Padre Juan de Placencia at Miguel de Loarca. Mababanaag dito ang
katutubong konsepto natin sa pulitika, na umunlad sa pakikipag-ugnayan
sa kapwa at mga dayuhan, na naging dinamiko sa pagtugon /pagsunod
o pag-subvert sa kasaysayan, na naging pagkaunawa natin sa ngayon.
Hindi ito ang Filipinism na gustong isakatuparan ni Marcos noon,
na ang dulo’y ang walang patumanggang pagsunod sa mag-asawang si
Malakas at si Maganda.
Kung malabo/magulo ang kahulugan ng pulitika, ganoon din naman sa
gamit ng salitang kultura, tulad ng culture of gambling, culture
of violence, etc., etc. Ano kaya ang lalabas kapag ginawa pa nating
political culture?
Pwedeng tingnan ang ginawa ng mga ninuno ni GMA sa panahon ng pananakop
ng mga Espanyol. Hindi nakipag-isang dugo sina Suliman, Lakandula,
Laya (Raha Matanda) at si Salalila kay Legazpi. May iba silang iniisip
at binabalak. Pansinin din ang konsultasyon ng konseho ng mga pinuno.
Itong si Salalila (siya ba mismo o anak na kapangalan niya?), ay
muling mangunguna sa Tondo conspiracy noong 1587, kasama nina Agustin
de Legazpi. Ang mga naging anak nito’y sina Lakandula Jr., isang
may bansag na Diamoro (araw ng mga Moro), at Raha Matanda, na pawang
hindi nagpabinyag sa mga Espanyol.
Samantala, si Balagtas na anak ni Raha Suliman, ay mag-aapo ng isa
pang Balagtas, si Francicso Malang Balagtas, na dating si Pansumon,
na may alias na Itim, ay siyang naging opisyal na pinuno ng pangkat
ng mga katutubong ginamit ng mga Espanyol sa pasipikasyon (reduccion)
sa maraming bahagi ng kapuluan. May titulo itong Senor Instructor
, Maestro de Campo General, Almirante Principal at Comandante Doctrinero.
Ang mga anak ni Balagtas at kapatid nitong si Lahat ang magtatatag
ng maraming pamayanan sa Pampanga at Bulacan. Sila ang humihikayat
sa mga kapwa-katutubo na manirahan na sa iisang lugar, magpabinyag
at tanggapin ang pamumuno ng mga dayuhan.
Ang magpipinsang buo ay nagpangasawahan din. Si Macayabong dili
(anak ni Balagtas) ay napangasawa ni Gatbonton (anak ni Lahat).
Si Tony Pampalung (na anak ni Makayabong dili at Gatbonton) na may
alyas na Macapagal ay napangasawa ni Gatbalite (anak ni Dumandan
at Banda, na bunso ni Lahat). Ito na ang magiging ninuno ng mga
Macapagal.
Pansinin din, na sina Gatbonton at Gatbalite ay mga babae. Ibig
sabihin, tulad din ng salitang ginoo, ang gat ay hindi panglalaki
lang. Meron pa ngang isa sa lahi nina GMA na may bansag naming Gatbuka
(sakang). Si GMA siguro, kung gagamitan ng siste at titulong sinauna’y
malamang tawaging si Gatmunti.
Kung tutuusin, si Francisco Malang Balagtas ay isa sa nag-umpisa
ng politics of unity at national reconciliation. Ibig sabihin, bubuuin
nila ang Pilipinas sa ilalim ng mga Espanyol. Itinatayang noong
1622 siya ay ipinanganak at namatay sa edad na 86. Matapos noo’y
tinabunan na siya sa kasaysayan. Ang natatandaan ay hindi ang mga
nagsisuko sa angkan, kundi ang mga nagsilaban, tulad nga nina Raha
Suliman, Lakandula at Salalila.
Maraming pagkukunang karanasan si GMA sa pulitika ng angkan nila.
Parang deja vu. Bumabalik ang mga karanasan ng kahapon sa kasalukuyan,
pati na ang pagpapakasal ng magpipinsang-buo. Paano susumahin si
GMA? Hindi pa tapos ang termino niya? Marami pang bibigyang-kahulugan
sa huling slogan niya. Nakatali iyon sa kanyang pikit-matang pagsunod
sa makabagong imperyalista, usaping military (i.e. Visiting Forces
Agreement) man iyon o ekonomya (Trade liberalization at globalisasyon)
o pulitikang dikta ng world bank at IMF. Sapat na bang rason na
siya’y di na tatakbo bilang pangulo para agad mabago ang persepsyon
sa pamumuno niya?
Naniniwala ang mga tagasunod ni GMA sa retorika niya. Lahat ngayo’y
gustong magbago. Lahat ngayo’y parang mga martir na handang magsakripisyo,
lalo na ang mga kulelat sa mga survey. At sa pagbabago, ang laging
napapag-initan ng mga nakaupo ay ang konstitusyon. Ewan kung ano
ang meron sa kanilang mga upuan, na kapag napakat ay ayaw nang magsitayo.
Balak na namang baguhin ang konstitusyon. Hindi na raw ito nakatugon
sa ating pangangailangan. Sawa na raw sa presidential system ang
mga tao sabi ni Jose De Venecia, kaya kailangan ng gawing parliamentary.
At redundant na raw ang senado dahil pareho lang naman ng ginagawa
ng lower house ang trabaho nito.
Ewan. Kung problema ang kredibilidad ng senado na naging kuta na
ng mga dapat ay wala roon tulad ng mga artista, komentarista, basketbolista,
kumikero, pulis at pati original na asawa, ano naman kaya ang kumposisyon
ng kongreso? Halos pareho rin naman. Kung ang pagkaintindi pa rin
sa tradisyunal na pulitika ng ordinaryong tao ang pagbabatayan,
reservation camp daw iyon ng mga buwaya. Ewan lang kung matutuwa
ang mga maka-hayup na hindi pa pala extinct ang hayup na ito.
Sa madaling sabi, kahit sabihin pang French type ang parliamentong
iaakma sa bansa, hindi pa rin iyon akma. Ang problema ng bansa’y
failure in governance. Ang mas malaking problema’y ang mga pulitiko
at bersyon nila ng pulitika. Baka ito ang sobra, na kulang naman
sa prinsipyo. Wala naman talagang ideolohiyang malinaw ang mga partido.
Depende iyon sa nakaupo at sa gustong umupo. Naiisip din naman nila
ang taumbayan, lalo na ang mahihirap. Mas maraming mahirap, mas
maraming tutulungan, mas maraming boto. Kung ganito nga ang kalakaran
ng pulitika, sobra nga, pero kulang na kulang. Paano babaguhin ang
kaisipan sa pagbabago ng konstitusyon? Paano nga ulit tayo nagkakaintindihan?
|