|
Korupsyon
sa Pilipinas: Isang pagsasakonteksto
Ni Jo Lontoc
Ayon
sa ilang mga dalubhasa, tayo raw mga Filipino ay ipinanganak na
walang tiwala sa gobyerno. Marahil,
likas na nga sa mga mamamayang matagal na napasakop na magkimkim
ng galit sa mga kapangyarihang kadalasa’y bumibiktima sa kanila,
umaagaw sa kanilang mga lupa, sumusupil sa kanilang kalayaan, nagdidikta
kung saan sila tutungo. Kumbaga, nadidiin sa sensibilidad na ang
pamahalaan ay likas na mapang-abuso. O kung hindi man ay sagabal
lamang. Imbes na maging kinatawan ang gobyerno ng tao ayon sa prinsipyo
ng demokrasya, ang mga tauhan nito ay nag-iibang-anyo habang naluluklok
sa kapangyarihan at nagiging kinatawan na lamang ng iba pang mga
interes, hindi ng bayan.
Nakuha natin ang ganitong impresyon sa pamahalaan mula sa ating
mga karanasan sa ilalim ng Espanya, ng Amerika, ng Japan, at kahit
sa sarili nating mga gobyerno, lalung-lalo na ang gobyerno ni Marcos.
Sapagka’t walang gobyernong mangangalaga sa interes ng lahat, ang
mga may kaya sa bansa ay natutong protektahan ang kanilang mga sarili,
marami ang nagpapatatag ng kani-kanilang mga angkan, o nagtribu-tribo.
Napasok sa atin ang kulturang parokyal.
At nang mawalay ang mga dayuhang mananakop, ang gobyerno ay naging
ekstensyon na lamang ng kulturang ito. Ang estado ay naging isang
malaking sabungan ng mga parokyal na interes.
Kaya’t naging natural ang korupsyon sa gobyerno. Ang paggamit kasi
sa posisyon sa gobyerno sa pansariling interes ay popular na konsepto
ng korupsyon. Ngayon nga, ang impresyon natin sa pamahalaan ay wala
nang pinag-iba sa mga pamahalaan ng mga mananakop noong sinauna.
Hindi rin nagbago ang istruktura ng lipunan. Nagawa ng dati nang
makakapangyarihan na manipulahin ang pamahalaan upang pangalagaan
ang kanilang mga interes. Sino nga ba ang gustong baguhin ang status
quo, kahit di makatarungan, kung pabor ito sa kanila? Samantala,
ang mga mahihirap ay wala pa ring boses; at ang panggitnang uri
naman ay winatak-watak ng mga isyung etnisidad, lengguwahe, heografiya,
relihiyon, distinksyong urban-rural, at iba pa, na may sari-sarili
ring mga interes.
Samakatwid,
may malaking bangin sa pagitan ng gobyerno at pangkalahatang publiko
bunga ng korupsyon, lalung-lalo na kapag nalingat ang huli sa pagbabantay
sa una na mas madalas ay nangyayari simula nang hindi magkapalagayan
ang gobyerno at pamahalaan. Kumbaga, alienated na ang pangkalahatang
publiko sa gobyerno. Ito ang karakter ng korupsyon sa Pilipinas
na isinasakatuparan ng tradisyunal na uri ng pulitika na pinamumugaran
naman ng mga trapo o tradisyunal na pulitiko.
Marami pang
mga salik ang iniuugnay sa ganitong klase ng balintunang relasyon
sa pagitan ng gobyerno at mamamayan na nagpapasiglang lalo sa korupsyon,
ayon sa mga dalubhasang sina Emmanuel de Dios at Ricardo Ferrer
ng UP School of Economics at Philippine Center for Policy Studies
sa kanilang pag-aaral na pinamagatang “Corruption in the Philippines:
Framework and Context” na nalathala sa Public Policy (vol. 5. no.
4), pandalubhasang lathalain ng UP Center for Integrative and Development
Studies.
Una ay sa lebel
ng institusyon o burukrasya. Kumplikado raw ang saklaw ng kapangyarihan
ng isang opisyal ng pamahalaan. Dahil nasa estadong naghahanap pa
lamang ng tamang mga pamamaraan ang burukrasya, malaking bahagi
ng tungkulin ng isang opisyal ang di nagigiyahan ng mga tiyak na
alituntunin. Nangangailangang bigyang-laya ang opisyal na gawin
ang ilang mga bagay upang makita ang mas magaganda pang paraan upang
maisakatuparan ang mga lehitimong obhektibo ng ahensya. ‘Yun nga
lang ang kalayaan ding ito ay siya ring nagagamit sa pang-aabuso.
Isa ring salik
sa relasyon ng gobyerno at sambayanan ang kahinaan ng legal na kita
o suweldo sa mga pampublikong posisyon. Kadalasan, ang kadalubhasaang
kinakailangan sa posisyong panggobyerno ay may karampatang mas mataas
na sahod sa labas ng gobyerno. Dahil dito, umaasa ang tumatakbo
sa posisyon na mababawi niya ang dapat sana niyang matatanggap na
kabayaran sa mga kaparaanang di na malalayo sa korupsyon mula sa
kaniyang makukuhang puwesto. Sa gobyerno, maraming oportunidad sa
ganitong klase ng pagkita.
Isa pang salik
ay ang kapalpakan ng sistema ng pagkuha at pagtanggap ng impormasyon
lalung-lalo na ng mga taumbayan tungkol sa mga pinipili nilang mga
kinatawan sa pamahalaan. Halimbawa, malaking mal-impormasyon ang
imahen ni Erap bilang tagapagtanggol ng mga mahihirap na siyang
naglapit sa kanya sa mga mahihirap. Nagagawa nitong bigyang-lakas
ng apog ang mga opisyal na gumawa ng kung anong nais nilang gawin.
Ipinunto pa
nina De Dios at Ferrer ang pagkakaroon ng kabalintunaan sa relasyong
kinatawan-kinakatawan ng gobyerno at sambayanan, kung saan nagagawa
ng pulitiko na magmanipula ng kilos ng kanyang publiko, lalu na
sa panahon ng eleksyon. Bunga na rin siguro ng sistemang pyudal,
ang pulitiko ay ang pyudal na amo, ang panginoong may-lupa na siyang
sinusunod ng kanyang mga pinapatron. Maaring hindi lupa lamang ang
basehan ng ganitong sistema; sa halimbawang ipinakita ng pagkakahalal
kay Mark Jimenez, maaring salapi at pangakong gantimpala ang ipain
ng pulitiko sa publiko upang gawin ng huli ang nais ng una—ang iluklok
ito sa gobyerno. Isa itong korupsyon ng proseso ng paghahalal na
magbibigay-posibilidad pa sa ibayo pang korupsyon upang manatili
ang panginoon sa puwesto.
Nagbubunsod
din sa korupsyon ang pagiging makapangyarihan ng gobyerno, halimbawa
ay ang Ehekutibo. Hindi maiaalis na mag-angkin ito ng mga monopolyo
sa pamamahagi ng mga kailangang-kailangan at kadalasa’y mapagpayamang
mga bagay tulad ng mga prangkisa, kontrata, tulong-pinansyal, at
iba pa. Nakasentro pa rin ang kapangyarihan sa Ehekutibo at dahil
maraming benepisyo ang makukuha sa pagkapit dito, nagagawa nitong
masunod ang kaniyang gusto. Wala rin naming malakas na sistemang
partiduhan dito sa Pilipinas na sapat upang masiguro ang tamang
“check and balance.” Kahit mismo ang mga hukuman ay sinasabing napasasailalim
sa impluwensya ng Malakanyang.
Hindi nakaligtaan
na idiin nina De Dios at Ferrer na hindi lamang nakasentro sa gobyerno
ang korupsyon at hindi lamang ito ang gumagalaw sa korupt na paraan.
Dahil malawakan ang pakikinabang sa korupsyon, nagiging lehitimo
ang silbi nito sa lipunan. Ito ay nagiging kalakaran at katanggap-tanggap.
Ginagawa ito ng marami sa lipunan. At sa paglago ng korupsyon, di
malayong manghina ang mga nagbabantay laban dito. Dahil hindi naman
ito maaring isabatas, malaki ang posibilidad na lumaganap ang ilegalidad
sa bansa at pumalya nang husto ang buong sistemang pangkatarungan
at ang mga ahensyang itinakdang labanan ang korupsyon—ang Ombudsman,
at mga hukuman mismo. Samakatwid, may kapasidad ang korupsyon na
maglatag ng pundasyon upang makapanatili at mag-ibayo. Napapanatili
ang status quo at walang nagbabago, kahit ang hilahil ng buong bansa
sa pangkalahatan.
Dahil ang korupsyon
ay kultural, sosyal, pulitikal, at di lamang suliranin ng burukrasya,
ang pagsugpo nito ay hindi madali tulad ng ipinapangako ng ilang
mga pulitiko. Isa nga raw sa pagtutuunan ng pansin ng gobyernong
Arroyo ay ang paglilinis ng gobyerno upang lalong mag-ambag sa isang
“strong republic.” Sana ay magkaroon si Presidente ng malawak na
pag-unawa sa isyu ng korupsyon. Sa mga nakaraan kasi ay nasesentro
sa burukrasya ang mga istratehiya laban sa korupsyon, kaya puro
maliliit na isda lamang ang naaapektuhan.
At sana kapag
nalaman ng Presidente kung gaano kalalim at kalawak ang suliranin,
hindi siya panghinaan ng loob. Dapat tandaan niya na korupsyon ang
nagpabagsak kay Erap. Ayaw pa rin pala ng mga mamamayan—mga mamamayang
nagkaroon ng sapat na kaalamang pulitikal at di nalingat—sa korupsyon.
At dahil natuto ang grupo ng mga taong ito na tumugaygay, malaman
kung alin ang pagpapanggap at kung alin ang totoo, kung alin ang
makasarili at pambayan, hindi nakalusot si Erap.
Kung pababayaang
lumago ang korupsyon, baka malaman na lang natin na kriminal na
pala ang nakaluklok sa posisyon, at hindi basta-basta trapo na lamang.
|