Dating propesor at CSC Chairperson Karina David, pumanaw sa edad na 73

| Posted by UP Media and Public Relations Office

Larawan ni Karina David. Mula kay Kara David.

 

Pumanaw na ang dating Chairperson ng Civil Service Commission na si Karina Constantino-David. Si David ay isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at dating tagapangulo ng Department of Community Development. Siya ay nagsilbi sa gobyerno sa loob ng mahigit isang dekada sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon. Naging undersecretary siya ng DSWD mula 1986 hanggang 1988; naging pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) mula 1998 hanggang 2000; naging pinuno ng Civil Service Commission mula 2001 hanggang 2008; at, nagsilbi bilang miyembro ng Board of Trustees ng GSIS mula 2010 hanggang 2016.

Bukod sa pagiging isang tapat na public servant, si David ay naging aktibo rin sa pag-oorganisa ng mga komunidad at maralitang taga-lungsod sa pamamagitan ng kaniyang non-government organization na HASIK. Kilala rin siya bilang isa sa mga unang nagsulong ng karapatan ng mga kababaihan sa Pilipinas. Isa siya sa mga nagtatag ng grupong Every Woman na lumalaban para sa pantay na pagtrato at pagtingin sa mga kababaihan. Tagapagtaguyod rin siya ng Child Protection Network na tumutulong naman sa mga batang biktima ng karahasan at pang-aabuso.

Hindi lang sa larangan ng akademiya at serbisyo-publiko nakilala si David. Siya rin ay aktibo sa larangan ng sining at musika. Isa siyang batikang kompositor at gitarista at naging bahagi ng musical duo na Inang Laya.

Si Karina ay asawa ng mamamahayag na si Propesor Randy David; ina nina CP, Kara, Nadya, at Jika; at lola nina Julia, Jacinta, Xavi, Alonso, at Lila. Si Karina ay nagmula sa pamilya ng mga makabayang historyador na sina Renato Constantino at Letizia Roxas-Constantino.

Si David ay pumanaw sa edad na 73, noong Martes ng gabi sa Philippine Heart Center.

Sa ngayon, wala pang detalye ng kaniyang burol at libing.

SHARE ON
TwitterFacebook